Sunday, July 01, 2007

Bad Trip (Episode 2: Reunion Sa La Union) Conservative Version

Tama si Jing, nakakatakot nga bumaba ng Baguio kapag umuulan… Nakikita sa gilid ng bus ang malalim na bangin sumasabay ang mga makakapal na fog sa malalakas na ihip ng hangin at walang hinto ang pagbuhos ng ulan…
Nasa ibaba na ba kami ng bundok? Hindi pa… Hindi pa… Malayo pa ang lalakbayin ng bus upang makababa kami ng bundok… Sa bawat liko may umaabang na panganib, may umaaninag na pangamba… Sa bawat nasasalubong na sasakyan ay halos may ilang purgada lang ang layo… At sa pagbaba ng bus umiiba ang pressure…
Pagdating sa La Union, bumaba na kami ng bus… Malakas pa rin ang ulan… Bumubuhos pa rin parang wala nang kinabukasan… Sumilong agad kami… Basang-basa na kami at pagod na pagod… Sa isang maliit na waiting shed kami nag-abang ng masasakyan papunta kina Jing… Puno lahat ng bus, puro may nakatayo… Sumakay na rin kami sa isang bus kahit na puno na ito… Wala kaming magagawa… Palakas nang palakas na ang ulan dapat makarating na kami kina Jing kundi maiistranded kami…
Sa loob ng bus, siksikan ang mga pasahero sa loob… May pumapara, may sumasakay…
“Arol, dito na tayo!”
“Manong para!”
“Wala pa kayo sa destinasyon ninyo…”
“Wala pa po ba?”
“Wala pa! Hahahaa…” Pinagtawanan kami ng konduktor…
May narinig akong pinagtatawanan kami ng isang matandang Ilocana… Kinakausap ang ibang pasahero at kami ang topic… Di ako masyadong nakakintindi ng Ilocano pero halatang pinagtatawanan kami ng ibang pasahero…
“O! Ayan na! Andito na tayo… Bumaba na kayo…” Sabi sa amin ng konduktor…
Bumaba na rin ang matandang pasahero… Pati ba naman sa labas ng bus pinagkakalat ang nangyari sa amin at pinagtatawanan!? Ewan ko… Bahala siya… Sumakay na kami ng tricycle papunta sa mga tito at tita ni Jing… Nadaanan namin ang dagat… Madilim na nun at naaaninag ko lang ito… Medyo may bako ang mag daan dito kaya panay kapit ni Raf sa cake… Mukhang di na magmumukhang cake ang cake na pasalubong namin kina tito…
Mga 7 o 8pm… Pagdating kina Jing, naabutan naming nagluluto si tita… Inabutan namin si Mayette sa sala nanunuod ng TV… Sa sala kami namahinga… Ibang-iba ang pakiramdam ko… Kinakabahan at magulo ang isip ko…
“Okay ka lang ba Arol?” Tanong sakin ni Raf
“Okay lang ako… Kinakabahan lang…”
“Okay lang yun no… Basta wag ka lang mapipikon ganun lang talaga magbiro sina Tito...” Paalala sakin ni Jing
Inihain na ni Tita ang mga handa para sa dinner namin… Di sumabay si tita… Sasabay nalang daw siya pagdating nina tito… Pagkatapos kumain… Pina-inom ko si Raf ng gamot para sa sipon… Lumalala na kasi ang sipon niya… Baka magkasakit ng tuluyan…
Pagkatapos namin kumain… Dumating sina tito… Nagyayaya ng inuman… San Mig Light daw… Pagsilip ko sa iniinom nila, di pala light… Lapad ang iniinom nila… Mataas ang alcohol content niyan… Pag niyaya ako sigurado tulog ako nito…
“Tito, si Farah po at siya naman po si Arol” Pinakilala agad kami ni Jing sa mga tito niya…
“Oi! Farah… Kamusta na? Okay ka lang ba dyan?” Biro ni Tito…
“Okay lang po…”
“Wag mo na akong i-po… Tito lang ang itawag mo sa akin…” Panibagong biro ni Tito…
Lumabas sina tito at tita, sa labas sila kumain. Bigla nalang ako pinatawag… Sumunod na ang mga biruan at kuwentuhan… Makikita sa kanila ang mga bagay na di ko pa nakikita sa araw-araw kong buhay… Masaya sila… Nakakatuwang kasama…
Mamaya-maya inayos na ang kuwarto… Doon daw muna kami matutulog sa kuwarto ni Tita… Nakakahiya… Napaka-hospitable nila… Di ko alam kung ano ang dapat kong gawin… Sa sobrang pagod ko… Gusto ko nang matulog… Sabi ni tita sa kama daw ako humiga sa kasi sina Jing at Raf sa kutchon daw hihiga…
Humiga na ako sa kuwarto… Nakapikit agad ako at nakatulog agad… Nagising lang ako nang may narinig akong “Gamot”…
“Ha? Ano yung gamot?” Nahihilo pa ako sa pagkagising ko…
“Wala… Matulog ka na…”
“Wala? sige… Mamaya na uli… Medyo masakit ang ulo ko ngayon…”
Lumabas uli ako sa sala, umupo sa gilid… Biglang lumabas si Tita galing sa kabilang kuwarto… May ikinukuwento sa amin habang nanunuod ng TV… Binibiro kami ni tito habang nagpapahinga sa sala… Habang kumakatok ang bawat patak ng ulan sa bubong… Nakakatuwang isipin na kahit hindi ko pa sila masyadong kilala… Nakaramdam agad ako ng kumportable sa kanila… Masaya silang lahat… One big happy family ika nga…
Mamaya-maya pumasok na sina Raf at Jing sa kuwarto. Nanunuod pa ako ng TV sa sala… Di ko namalayan nakatulog na pala ako sa sofa… Masarap matulog dito sa maliit na sofa… Isang linggo na ako di nakatulog ng ganun kalambot at kakumportable… Mabilis ako agad nakatulog…
Nagising nalang ako nang mapansin kong naglalakad si Jing sa harapan ko… Naghahanda na para sa pag-alis namin.
3am ang alis namin. 2:30am palang ngayon… Nag-ayos narin ako ng sarili ko at mga gamit. Inalmusal ko ang cake na dala namin at isang tasang mainit na kape… Hanggang ngayon, malakas pa rin ang ulan… Di ito tumigil sa buong gabi. Tuloy-tuloy ang buhos ng ulan. Iisa lang ang tono ng bawat patak ng ulan…
Ihahatid daw kami nina tito sa plaza upang makakuha ng masasakyan papuntang Sison, Panggasinan para deretso sa bataan… Ngayon, pinahiram kami nina tita ng dalawang payong at jacket para kay Jing… Malamig ang hangin… Basa at maputik ang daan… Madilim pa ngayon walang halos Makita sa labas… Naalala ko ngayon ang flash light na bigay sakin ni Papa nung nasa Maynila pa ako…
“Ryan, kunin mo ito! Siguradong makakatulong yan!” Yan ang sabi ng Papa ko habang iniimpake ko ang mga gamit…
Flash light, nakatulong nga ito sa di inaasahang pangyayari…
Nang maihatid na kami sa plaza, di nagtagal dumating na ang bus. Sumakay na kami ibababa kami sa Sison, Panggasinan Victory Liner Bus Stop… Maaga pa, wala pang araw. Mga 3:30am sa orasan ko… Nakatulog uli ako habang tumatakbo ang bus sa madilim at basang hi-way at sumasalubong sa malakas na ulan…

0 Comments:

Post a Comment

<< Home